Si Michelle at ang Bus Pauwi

hindi sa akin ang larawan na ito. (cto)
Natapos na naman ang isang araw ko sa trabaho, ito ang unang trabaho ko simula ng grumadweyt ako sa kolehiyo. Ang hirap pala magtrabaho pero masaya naman dahil nagagamit ko ang pinag-aralan ko sa loob ng apat na taon sa unibersidad. Mababait rin ang mga katrabaho ko, ako ang pinakabata sa opisina pero hindi sila mahirap pakisamahan. Yun nga lang hindi ko masydong mailabas ang kalokohan ko dahil mga seryoso na ang mga tao doon. Kung magkaedad din kaya ako ay magiging ganun na ako kasersoyo? Parang ayoko naman.

Kasabay ko ang ilan sa mga katrabaho ko papunta sa sakayan ng bus, pero iba iba kami ng sasakyan pauwi at yung iba naman ay jeep ang sinasakyan. Pag dating ko sa bus stop, ayun sakto may isang bus na maluwag. Mukang suswertihin ako ngayon at hindi ko na kakailanganin ilabas ang mandirigmang nakatago sa loob ko para makipaglaban para sa iisang upuan na sampu ata ang gustong umupo. Myerkules na kasi ngayon kaya maluwag na ang mga bus.

Minsan pag sobrang dami ng tao sa bus stop, tatayo lang ako sa gilid para panuorin na mag-una unahan sa hindi pa nga humihintong bus ang mga tao. Estudyante, empleyado, babae, lalake, yung may mga kasamang bata, matanda, lahat na ng klase ng commuter makikita mo. Pagbukas na pagbukas pa lang ng bus naka-abang na agad ang mga tao, hindi na nga makababa ng maayos ang mga pasaherong galing sa loob dahil nag-gigitgitan na ang mga tao sa baba para mauna sa pagpasok. Matatawa ka na maiinis dahil tatlo ang sabay sabay na papasok sa pinto kaya lalong tumatagal ang pag-akyat. At ang malupet pa sa panahon ngayon, wala ng babae babae o lalake, ang katwiran ng iba “pare-pareho lang natin gustong makauwi”. Kaya naman sige, para silang naglalaro ng basketball, kahit sino pwedeng mabox-out.

Pero ngayong araw walang ganung eksena. Kaya lang pagpasok ko wala na palang bakanteng upuan. Maririnig mo na lang yung kundoktor na sumisigaw ng “Maluwag pa po tayo! Pasok lang po kayo sa dulo”. Gusto ko sanang sumagot kay manong kundoktor ng “Lul pakyu, maluwag pa nga! Maluwag pa yung isle para sa mga tatayo”. Ganun naman palagi, sanayan na lang din, ang nakakainis lang isisiksik ka nila ng isisiksik sa dulo tapos talikuran ang mga pasahero kaya pag bababa ka na hirap na hirap ka. Tapos magagalit ang driver dahil ang tagal mo raw bumaba. Walastik lang diba?

Ako yung maswerteng pasahero na pinaka-unang naubusan ng upuan. Bago ko pa marinig yung nakakabwisit na linya ni manong kundoktor ulit nagpunta na ko sa pinadulo ng isle. Dun ako humarap sa huling hilera ng pangdalawahang upuan. Napangiti na lang ako ng palihim para pigilan ang pagtawa ko, kasi naman, si kuyang pasahero na nasa tapat ng bintana nakatingila pa habang nakanganga. Sa isip isip ko, nakailang gabi na kaya tong si Kuya? Pero naawala yung ngiti ko ng mapadako ang tingin ko sa katabi nyang babae, yung mismong nasa tapat ko. Yakap nya ang kayang kulay lavander na bag pack habang nakadukdok sya dito at yumuyugyog ang kanyang mga balikat. Umiiyak ba sya? O baka naman tumatawa rin dahil sa itsura ni kuyang katabi nya? Hanggang sa nakita ko syang nagpunas ng pisngi. Umiiyak sya.

Tumingin ako sa paligid ko at napansin ko na napapatingin na rin ang iba sa gawi nya. Yung iba naa-awa, yung iba naman nagtataka. Ako pareho kong nararamdaman ang mga iyon nung oras na iyon. Nagtataka ako kung bakit sya umiiyak sa ganitong pampublikong sasakyan at naa-awa ako dahil siguradong mabigat ng nararamdaman nya para hindi na nya naisip na nasa pampublikong sasakyan sya habang umiiyak. Kagaya ng ginagawa ng iba pang pasahero ng bus na yon, dapat sana ay binabalewala ko na lang sya. Pero hindi ko maalis ang tingin ko sa kanya. Parang may kung anong pwersang humihila sakin papunta sa kanya. Paulit ulit kong sinasabi sa utak ko na “wag ka na lang maki-alam” pero sa huli nanaig din sa akin ang kagustuhan na tulungan sya. Teka, anong gagawin ko? Ano ba dapat ang ginagawa pag may nakita kang taong umiiyak? Ah! Alam ko na! Panyo. Dapat bigyan ko sya ng panyo para ipamunas nya ng luha dahil napansin kong kamay lang nya ang ginagamit nya kanina. Pero pano yun? Wala akong panyo, tanging towel lang ang meron ako at nagamit ko na yun pamunas ng pawis ko kanina. Nakakahiya naman kung yun ang ibibigay ko sa kanya, hindi ko nga alam kung amoy pa ba ang fabcon na ginagamit ni nanay sa paglalaba. Sabi ko na lang sa sarili ko, bahala na.

“Miss eto oh” sabi ko sa kanya. Wala akong natanggap na sagot. Ni hindi nya rin inangat ang ulo nya mula sa pagkakayuko. Pero nanatiling naka-abot ang kamay ko na may hawak na towel. Makalipas pa ang ilang sandali, patuloy pa rin sya sa pag-iyak. Siguro ayaw nyang maki-alam ako sa kanya kaya hindi na lang sya nagsalita.
Babawiin ko na sana ang kamay kong may hawak na towel ng kunin nya ito. Nagulat ako, pero natuwa rin ako dahil sa palagay ko'y nakatulong ako. Bumalik ang ngiti sa labi ko nung makita kong ginamit nya ito. Napanatag na rin ang kalooban ko. Kinuha ko na ang headphone na ilang buwan kong pinag-ipunan para mabili ko sa pagkakasabit sa leeg ko. Medyo mamahalin kasi ang brand na ito, yung brand na meron ding gawang bumbilya. Pasensya na kung kailangan ko pang banggitin. Isa kasi ito sa gusto ko talaga mabili noong nag-aaral pa lamang ako. Hindi naman kasi kami mayaman, ang halaga nga nito ay katumbas na ng tuition ko para sa isang semester sa pampublikong unibersidad na pinag-aralan ko. Dose lang kasi kada unit doon.
Ine-enjoy ko ang malakas na musikang nanggagaling dito ng maramdaman ko na may
humawak sa kamay ko. Pagtingin ko, yung babaeng inabutan ko ng towel ang nakahawak sa kanang kamay ko. Mahigpit ang pagkakahawak nya dito na para bang dito sya kumukuha ng lakas. Hindi ba kapag hinawakan ng estranghero ang kamay mo, ang una mong gagawin ay alisin ito? Pero hindi yun ang ginawa ko, hinayaan kong hawakan nya ang kamay ko. Inangat nya ang ulo nya mula sa pagkakadukdok nya sa sa kanyang bag at isinandal ito sa braso ko. Bahagya akong napatda. Pero muli, hinayaan ko sya. Wala pa ring tigil sa pagyugyog ang balikat nya, tila lalo lamang tumindi ang pag-agos ng luha nya. Napatanong tuloy ako sa sarili ko, ako ba ang may gawa? Hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin sa kanya upang tumahan na sya sa pag-iyak kung kaya naman hinawakan ko na lang din ang kamay nya saka ito pinisil. Umaasa akong kahit papano maipaparating nito sa kanya na “magiging maayos din ang lahat”. Buong byahe ay ganun kami, medyo dumikit na ako sa kanya upang matakpan ko sya sa mata ng ibang tao na gusto lang ata makakuha ng tsismis.
Ayoko man sana syang iwan pero malapit na nag bus stop kung saan kailangan ko ng bumaba. Sumigaw na ang kundoktor para sa mga bababa sa lugar namin pero mahigpit pa rin ang kapit nya sa kamay ko. Nakababa na ang lahat ng tigasa-amin maliban sa akin. Umandar na muli ang bus, pinanood ko na lang na lagpasan ng bus ang bus stop kung saan ako dapat bumaba. Hanggang sa dumating na ang bus sa pinakadulong hintuan, sa terminal. Kami ang pinakahuling bumama sa lahat ng pasahero. Doon ko lamang nakita ang muka nya, namumula ang ilong at magang magang mata nya sa kakaiyak. Pulang pula ang pang-ibaba nyang labi na sa tingin ko ay dahil sa kakakagat nya dito para pigilan ang luha nyang lumabas. Hindi na ako nagsalita. Ginalaw ko na lang din ang mga paa ko nang mag-umpisa na syang maglakad. Nang makalabas kami ng terminal ay may lumapit sa amin na tricycle. “sakay kayo?” tanong ng driver. Tumango sya at sumakay na kami. Nung tinanong na kami ng driver kung saan kami papunta ay sumagot sya gamit ang gumagaralgal nyang boses.
Inabot na kami ng dilim sa daan. Magkahawak pa rin ang aming mga kamay. Patuloy pa rin sya sa pag-iyak. Rinig na rinig ko ang bawat paghikbi nya. Hindi ba sya nauubusan ng luha? Gaano ba kabigat ang problema nya na kahit halos dalawang oras na syang umiiyak ay hindi pa rin nauubos ang luha nya?
Huminto kami sa isang puting bahay na may dalawang palapag. Lagpas tao ang itim na gate nito. Pero hindi naman solid yung gate nila na katulad ng sa malalaking bahay sa baranggay namin na ayaw ipasilip ang bakuran ng bahay nila. Rehas ang gate nila. Sabi ko sa sarili ko. Wow mayaman! Sabagay ang unipormeng suot nya galing sa pang mayamang unibersidad sa Morayta na ang tuition fee para sa isang semester ay kasing halaga na ng tuition fee para sa apat na taong kursong tinapos ko sa unibersidad na pinasukan ko at may sosobra pa nga.
Binuksan nya ang gate nila, hawak pa rin nya ang kamay ko kaya naman pati ako ay nakasama na ring pumasok sa bahay nila. Bago pa kami makaabot sa pinto ay bumukas na ito, isang babaeng nasa mid-40's ang sumalubong sa amin. Ito marahil ang mommy nya. Hinalikan nya ito sa pisngi at niyakap gamit ang isang libreng kamay nya. Di ko alam kung ano ang sasabihin ko o kung ano ang gagawin ko. Sa amin kasi pagdating sa bahay nagmamano lang ako. Naisipan ko na lang batiin ang kanyang mommy ng magandang gabi. Kumunot ang noo nya, tila kinikilala ako. Ano ang isasagot ko? Ako nga, hindi ko alam kung bakit ako nasa bahay ng babaeng hindi ko manlang alam kung ano ang pangalan. Isang alanganing ngiti ang binigay ko sa mommy nya. Nagpatangay na lang ako ng hilahin nya ako papunta sa ikalawang palapag. Nagpunta kami sa kwarto nya. Pagdating doon at hinila nya ako paupo sa kama nya pagkatapos ay humiga sya sa kandungan ko habang hindi inaalis ang pagkakahawak sa kamay ko.
Iyak pa rin sya ng iyak. Ni hindi ko magawang tanungin kung ano ang pangalan nya at kung bakit nya ako sinama sa bahay nila. Hinayaan ko lang syang umiyak, hinaplos ko ng hinaplos ang buhok nya. Sa tingin ko ay ito ang kailangan nya, ang katahimikan at ang taong handang pakinggan ang bawat pagtangis nya. Nakatulugan na lamang nya ang pag-iyak. Pinunasan ko ang pisngi nya gamit ang kamay ko, kaawa awang nilalang. Ni hindi man lang nya nakuhang tanggalin ang sapatos sa paa nyang nakalawit pa sa sahig o di kaya ay mag-alis man lang ng uniporme. Maingat kong inalis ang ulo nya sa kandungan ko. Lumuhod ako sa paanan nya para tanggalin ang sapatos nya. Saka ko inayos ang pagkakahiga nya. Kinumutan ko sya. Ilang sandali ko pa syang tinitigan.
“salamat sa pagtitiwala mo”
tahimik akong lumabas ng kwarto nya. Hinanap ko ang mommy nya para magpaalam na. Nakita ko sya sa kanilang kusina.
“Uuwi na po ako” paalam ko sa kanya.
“Salamat sa paghatid sa kanya hija. Kaibigan ka ba nya? Dito ka na lang kumain ng dinner. Parating na ang asawa ko” ang bait naman ng mommy nya.
“Hindi na ho. Ang totoo ho nyan hindi naman nya ako kaibigan. Sa katunayan nga ho ay kanina ko lang sya nakilala dahil nagkasabay kami sa bus pauwi. Ni hindi ko nga ho alam ang pangalan nya” nahihiyang sagot ko sa Mommy nya. Tila nagulat sya, ito raw kasi ang unang beses na nag-uwi ng kabigan ang anak nya, akala pa nya ay kaklase ako ng anak nya. Nalaman ko na rin ang pangalan nya. Sya pala si Michelle. Nalaman ko rin na kumukuha sya ng edukasyon sa uniberdidad na pinapasukan nya at nasa huling taon na sya. Hindi nag-alinlangan ang mommy nya sa pagkukwento sakin ng mga bagay tungkol kay Michelle. Nagpakilala na rin ako. Dumating na rin ang daddy ni Michelle.
Habang nasa hapag kainan kami ay panay ang kwento nila. Masayahin daw si Michelle at likas na palakaibigan nung high school pero ng tumuntong daw ito sa kolehiyo at naging tahimik ito at malihim sa kanila. Palagi lamang daw itong nagkukulong sa kwarto. Kung hindi nila nakikitang nagbabasa, nagsusulat naman ito. At nitong huling buwan nga raw ay palagi itong umuuwi ng umiiyak, sa twing tatanungin naman daw nila ang dahilan ay hindi ito sumasagot. Hindi na rin daw ito sumasabay sa kanila sa pagkain twing gabi pero pag malalim na ang gabi ay nahuhuli daw ito ng kanyang mommy na kumakain sa kusina. Ni hindi man lang daw nito sinisindihan ang ilaw, nakayuko ito at umiiyak habang kumakain.
Masarap ang ulam na hinanda nila, maraming klase ng putahe ang nasa mesa. Kung sa ibang pagkakataon sana ito, baka marami na akong nakain dahil sa bahay namin isang putahe lamang sa isang kainan. At tig-iisang maliit na parte lang kami ng apat ko pang mga kapatid na ang sumunod sa akin ay nasa ikatlong taon na rin sa kolehiyo. Ang dalawa ay nasa high school na at dalawa rin ang nasa elementarya. Pero hindi ko magawang lunukin ang masarap na ulam dahil sa bigat ng dibdib ko mula sa mga narinig kong kwento. Ang kanyang mommy nga, tawagin na lang natin sa syang tita Lyn. Tuluyan ng napaiyak habang nagkukwento.
Umalis ako sa bahay nila na mabigat ang paa at dibdib ko. Maraming katanungan ang baon ko sa pag-uwi. Habang sakay ako ng tricycle papunta sa sakayan ng jeep, hindi nawala sa isip ko si Michelle. Sa isip ko, maswerte sya dahil ipinanganak syang mayaman. Hindi katulad ko, ng pamilya ko na kahit na puti na ang buhok ng mga magulang ko ay hindi pa rin magawang huminto sa trabaho dahil may mga kapatid pa akong nag-aaral at napakaraming gastusin sa bahay. Buwan buwan umiikot ang pwet ng nanay ko dahil hindi nya malaman kung kanino pa sya mangungutang para may ipambayad kami sa upa ng bahay pati sa tubig at kuryente. Mabuti na lamang nga at nakatapos na ako, kahit papano nakakatulong na ako sa araw araw na panggastos at nababawasan na rin ang mga utang namin paunti unti. Baka nga sa isang buwan ay tuluyan ng maubos ang utang namin. Hay sa wakas.
“para ho” sabi ko sa tricycle driver. Sa jeep naman ako sumakay. Mga bente singko minutos nasa amin na ako nito.
Hindi pala sya maswerte gaya ng iniisip ko. Malaki ang dalawang palapag na bahay nila at tatlo ang sasakyan nilang nakaparada. Tig-iisa ata sila. Pero ang lungkot ng aura ng bahay nila, walang sigla. Para bang sa lahat ng sulok nito maririnig mo ang pag-iyak ni Michelle.
Tulog na ang mga magulang ko ng dumating ako. Pero yung sumunod sa akin, gising pa at nag-aaral. Mahirap kasi ang kurso nyang accountancy. Nagpalit lang ako ng damit pambahay at tumabi na rin sa mga kapatid ko sa sahig na nalalatagan lang ng banig na pinatungan ng makapal na kumot galing sa NGO noong bumagyo. Buong gabi hanggang sa dalawin na ako ng tulog, iniisip ko si Michelle at ang pag-iyak nya sa Bus pauwi.
Kinabukasan, maluwag na talaga ang mga bus. Huwebes na kasi. Uupo na sana ako sa ikatlong hilera ng mapadako ang tingin ko sa dulong bahagi ng bus. Sa gawi kung saan ko nakita si Michelle na umiiyak. Sa halip na sa malapit lang ako umupo lumakad ako papunta sa bahaging iyon at naupo sa tabi ng bintana. Tinitigan ko lang ang upuan sa isle na para bang naroon si Michelle. Nakadukdok sya sa bag nya at yumuyugyog ang mga balikat nya.
“Miss san ka?” tanung sakin ng kundoktor. Siguro nagtataka sya kung bakit nakaangat ang kamay ko na para bang may aabutin ako.
“Sa junction ho” sagot ko. Dalawin ko kaya si Michelle? Inabot sakin ng kundoktor ang ticket. Tiningnan ko ito. Saka ako nakapag-isip.
“kuya pakidagdagan na ho. Sa terminal na lang ako bababa”. Pagdating ko ng terminal nakita ko yugn stall ng mumurahing donut. Bumili ako ng pinakamaliit na kahon, ito lang kasi ang kaya ko. Malayo pa ang sahod, baka kapusin ako kung yung malaking kahon ang bibilin ko. Sumakay na ako ng tricycle papunta sa kanila. May liwanag pa naman. Malayo pa lang ako sa kanila ktia ko na, na maraming tao ang labas pasok sa bakuran nila. Saka maraming sasakyan ang nakaparada sa tapat ng bahay nila pati sa di kalayuan. Umagaw sa aking paningin ang sasakyang pang-pulis. Nakabukas din ang mataas na itim na gate nila.
Pagbaba ko ng tricycle sa di kalayuan, wala na kasi papasukan yung tricycle kaya dito na lang ako bumaba, nagtanong ako sa unang Ale na nakita ko.
“Ano ho bang meron? Bakit ang daming tao sa bahay nila Michelle? At bakit ho may pulis?” malungkot na umiling sakin ang Ale.
“Ang nag-iisang anak nila Lyn, wala na” sabi nito saka ako nilampasan. Para akong nabingi sa sinabi ng Ale? Paanong wala na? Ano ang ibig nyang sabihin? Kahapon lang ay sinamahan ko pa sya pauwi.
Umiilaw pa ang serena ng sasakyang pang-pulis, nakita ko na meron silang nilalabas mula sa bahay sakay ng stretcher. Tao ito, base sa bulto. At natatakpan ito ng putting tela. Kasunod nito si tita Lyn habang umiiyak at inaalalayan ni tito. Nung makita ako ni tita Lyn na nakatayo sa harap ng gate nila ay tumakbo sya paputna sakin at niyakap ako. Iyak sya ng iyak sa balikat ko. Nanatili lang akong nakatingin sa stretcher na pinapasok sa ambulansya.





---


Makalipas ang tatlong gabi..
Lunes ng umaga, nandito ako sa sementeryo kasama nina tita Lyn. Si Michelle pala ang sakay ng stretcher nya. Nung mag-gagabing dumating ako sa bahay nila, natagpuan syang wala ng buhay sa kwarto nya. Pinili na ni Michelle na wakasan na ang pakikipaglaban sa mundong naging malupit sa kanya. Nalaman na rin ng magulang nya kung bakit nagbago ang anak nila. Bullied. Yan si Michelle sa kolehiyong pinapasukan niya. Maganda si Michelle. Maputi, makinis ang balat at itim na itim ang buhok. Matangos ang ilong, bilugan ang mga mata at may manninipis na mga labi. Napagbintangan daw itong nang-aagaw ng boyfriend at mula noon at pinagtitripan na ito ng mga babae at nga mga alipores nito na di umano ay naagawan ng boyfriend. Wala syang pinagsabihan tungkol dito. Umiwas na rin daw sa pakikipagkaibigan si Michelle ayon sa isa nyang kaklase dahil ayaw daw nitong madamay ang sino pa man sa pagpapahirap at pamamahiyang dinadanas nya. Ang huling ginawa raw siguro ng mga bully nya ang dahilan kung bakit nag-suicide si Michelle. Isang sex video raw ang kumalat sa uniberdidad nila at ang bali-balita ay si Michelle ang babae doon. Nung araw pala na nakita ko si Michelle na umiiyak, yun pala ang araw na kumalat ang sex video at yun din ang araw kung saan pinatalsik sya sa uniberdidad dahil daw sa immoral na kasalanan nya. Nalinaw na rin naman ang kaso, napaamin na rin ang mga nagkalat na hindi si Michelle ang babae sa video at maging sila ay napatalsik sa uniberdidad. Pero para saan pa ang mga iyon? Huli na ang lahat. Wala na si Michelle. Kinitil na nya ang sarili nyang buhay.
Habang ibinababa ang kabaong nya sa hukay, nagpupuyos ang damdamin ko sa galit. Anong karapatan nila para gawin iyon sa iba? Mga wala ba silang magawa sa buhay nila? Nag-aaral pa man din sila sa kilalang pribadong uniberdidad pero sa ginawa nila daig pa nila ang mga tambay na adik sa kanto namin na walang mga pinag-aralan. Siguradong ikinahihiya sila ng unibersidad at ng mga nag-aaral dito dahil dawit na ang pangalan nito sa isyu. Nung nakaburol si Michelle isang beses lang ako tumingin at hindi ko na inulit dahil hindi ko kayang tingnan ang muka nya na hindi payapa. Nakasuot sya ng lavander na gown. Pati ang kabaong niya ay lavander. Iyon daw kasi ang paboritong kulay ni Michelle.
Nakakalungkot ang naging pagkakakilala namin. Kung pagkakakilala nga bang matatawag iyon dahil hindi naman nya nalaman ang pangalan ko. Masakit isipin na yung taong hawak lang ang kamay ko nung myerkules ng gabi, ngayon ay dahan dahan ng binabaon sa lupa. May isang parte ng pagkatao ko na sinisisi ang sarili ko. Siguro kung hindi ko sya iniwan noon baka hindi sya nagpakamatay. Baka nagawan pa namin ng paraan na gustuhin pa nyang manatili sa mundo.
Habang pinapanuod ko ang mga puting lobo na lumipad palayo bumubulong ako. Gusto kong sabihin kay Michelle, maganda ang mundo. Masarap mabuhay. At hindi sya nag-iisa.
May isa pang tanong na naiwan sakin. Ganoon lang ba kadali ang buhay? Bakit kay dali naman ata para sa iba na sirain ito? Bakit kay dali para sa iba na kitilin ito? Bakit?
Sa huling sulyap ko sa lapida nya kung saan nakaukit ang maganda nyang pangalan, nagpaalam ko. Malaya ka na Michelle. Natakasan mo na ang kalupitan ng mundo. Sana lang mas maaga pa kita nakilala. Sana rin mahanap mo ang daan patungo sa piling ng Amang may likha. Sana masaya ka na kung nasaan ka man.

Sa twing sasakay ako ng Bus pauwi maaalala kita. At kung bakante sa dulo, dun ako palagi uupo para alalahanin ka. Paalam Michelle.

Comments